Photo from Abante
Tumataginting na 91 porsiyento ang nakuhang grado ni Pangulong Rodrigo Duterte sa isinagawang “approval rating” survey sa iba’t ibang religious group sa bansa.
Sa press conference sa Quezon City, nagsama-sama ang iba’t ibang samahan ng relihiyon upang bigyan ng grado ang Pangulo kaugnay sa mga nagawa nito bago pa man dumating ang nalalapit na State of the Nation Address (SONA) ng Pangulo.
Sinabi ni Pastor Jaime Poliquit, founder/chairman ng grupong GenerousLife International Ministry Inc., pangunahing nakita nila ang magandang pamamalakad ng administrasyong Duterte simula nang naupo ito bilang Pangulo.
Kanila ring ipinagdarasal ang Presidente na manatiling ligtas, malakas at malayo sa anumang sakit upang maipagpatuloy nito ang kanyang nalalabi pang termino.
Sinabi naman ni Pastor Hery Pacifico, ng Deborah Ablaze International, na pasado rin sa kanila si Pangulong Duterte dahilan sa nakikita nila na nasa tamang daan ang tinatahak ng liderato nito gayundin ang pagpapanatili ng matatag na ekonomiya sa bansa at magandang takbo ng peace and order sa Pilipinas.
Naniniwala ang naturang pastor na nais lamang ng Pangulo na mapabuti ang lagay ng bansa kaya bumabanat ito ng matitinding pahayag bunsod ng pagkadismaya sa ilang tiwaling opisyal ng gobyerno.
Kabilang sa mga nagkakaisang religious group na nagsidalo sa programa ay mula sa Christian Life Fellowship Church – One for All, All for God; Capitol Christians Leadership; Jesus Family Christian Church; National Alliance for Humanitarian Mission Inc.; at Impact Alliance of Minister Worldwide.
Source and Original Article from: >>> Abante
Comments